Ang unang alaala ni Rizal, sa kanyang kamusmusan, ay ang masasayang araw niya sa hardin ng kanilang tahanan nang siya ay tatlong taong gulang. Dahil siya ay masakitin at maliit na bata, siya ang alagang-alaga ng kanyang mga magulang. Ipinagpatayo siya ng kanyang ama sa kanilang hardin ng maliit na bahay kubo na mapaglalaruan niya sa araw. Isang mabuti at matandang babae ang inupahan para maging yaya niya. Minsan, kapag naiiwan siyang mag-isa, naglalaro siyang mag-isa o kaya’y pinagmumunimunihan niya ang kagandahan ng kalikasan, Naisulat niya sa kanyang talaarawan na noong tatlong taong gulang siya, pinanonood niya sa kanyang bahay kubo ang paglalaro ng mga ibong kilyawan, maya, maria kapra, martines, at pipit, pinakikinggan nang "buong paghanga" ang matimyas na huni ng mga ibon.
Isa pang magandang alaala ni Rizal ay ang araw-araw na pagdarasal nila tuwing Orasyon. Pagdumilim na, kuwento ni Rizal, tinipon ng kanyang ina ang mga anak para makapagdasal na sa Orasyon. Naalala niya ang pagrorosaryo ng pamilya sa mga gabing iniilawan ng mabilog na buwan ang kanilang azotea. Pagkatapos ng rosaryo, nagkukuwento ang yaya sa mga batang Rizal (kasama si Jose) ng mga kuwento tungkol sa engkantada, kuwento ng mga nabaong yaman at punong namumunga ng brilyante, at iba pang kuwento ng kababalaghan. Ang mga malikhaing kuwentong ito ang pumukaw sa interes ni Rizal sa mga alamat at kuwentong bayan. May mga gabing ayaw kumain ng hapunan ni Rizal kaya tinatakot siya ng kanyang yaya sa mga aswang, nuno sa punso, tikbalang, at balbas-saradong Bombay na kukuha sa kanya kung hindi siya maghahapunan.
Isa pang alaala niya’y ang paglalakad sa bayan, lalo na kapag maliwanag ang gabi. Kapag kabilugan ng buwan, isinasama siya ng kanyang yaya sa may ilog, kung saan nakatatakot na imahen ang inihuhubog ng mga anino ng puno rito. Sabi ni Rizal: "Dahil ang aking puso ay maraming malulungkot na kaisipan kahit pa musmos ako, natuto akong lumipad sa mga bagwis ng pantasiya sa matataas na rehiyon ng kababalaghan." |