Jump To

 

| This site is maintained by Jose Rizal University

 
 
Bookmark us:

Kabanata I
Sa Ibabaw ng Kubyerta

Buod

Umaga ng Disyembre. Sa Ilog Pasig ay sumasalunga ang Bapor Tabo. Lulan nito sa kubyerta sina Don Custodio, Ben Zayb, P. Irene, P. Salvi, Donya Victorina, Kap. Heneral at Simoun.

Napag-usapan ang pagpapalalim ng ilog Pasig. Mungkahi ni Don Custodio: mag-alaga ng itik. Ani Simoun namang kilalang tagapayo ng Kap. Heneral: Gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look ng Maynila. Nagkasagutan sila ni Don Custodio at ng ilang pari. Ayaw ni Donya Victorina na matuloy ang pag-aalaga ng pato dahil darami ang balot na pinandidirihan niya.


Mga Tulong Sa Pag-aaral

1. Ang ibabaw ng kubyerta ng bapor ay para sa matataas na uri ng tao, karaniwa’y Kastila.

2. Ang Noli ay nagtapos sa buwan ng Disyembre; ang Fili ay dito nagsimula. Ngunit ang Disyembre sa Noli at ang Fili ay may 13 taong nakapagitan.

3. Si Don Custodio ay tanungan at tagapayo ng mga taong pamahalaan. Si Ben Zayb (Ibanez) ay isang mamahayag.

4. Ang tabo ay isang katutubong batalan. Ang tabo sa kasalukuyan ay karaniwang latang pinagbasyuhan ng gatas, kape o ano man. Mula sa abang bataan hanggang sa makabagong banyong may gripo at dutsa sa Pilipinas ay may tabo. Noon ang tabo ay karaniwang pang-ilalim na bahagi ng bao ng niyog.

Mga Tanong at Sagot

1. Paano pinaghahambing ni Rizal ang Bapor Tabo at ang Pamahalaan?

Tugon

a. Sa pagkakaroon ng 2 lugal ng tao sa kubyerta at sa ilalim ng kubyerta, tulad ng paglalagay ng pamahalaan na may mga taong mataas ang uri, tulad ng mga Kastila, mayayaman at prayle: at mga abang mamamayang tulad ng mga mestiso at indiyo.

b. Sa mabagal nguni’t mapagmalaking palakad tulad ng pamahalaan na halos hindi nakausad sa may 300 taong pamumuno sa Pilipinas.

c. Sa pagkulapol na pinturang puti - nagpapanggap na malinis at marangal ngunit’t makikita ang mga dumi sa likod ng pinta tulad ng mga walang katarungang pagpatay at pagbilanggo, ng mga kabulukan, katiwalian at iba pa sa pamahalaan at simbahan.

d. Sa bilog na anyo ng bapor - nagpapakilalang ang pamahalaan ay walang malinaw na kaanyuan; walang plano ng pagiging unahan, hulihan, tagiliran na tulad ng pamahala noon na walang yaring plano ng pagpapalakad.

e. Sa paggamit ng makina at tikin tulad ng pamahalaan, may namamahalang sibil, tulad ng Kap. Heneral at iba pang taong pamahalaan at ang prailesya o mga kura. Noon ay may union of church and state o pagiging magkatulong ng pamahalang sibil at ng simbahan sa pagpapalakad ng mga suliraning pampulitika at pangkabuhayan ng bayan. Alin ang makina at alin ang tikin? Ang makina na siyang tuwirang nagpapatakbo sa bilog na bapor ng pamahalaan, bilog sapagkat walang plano at di alam kung saan ang patungo at saan ang pabalik, ay siyang pamahalaang sibil, samantalang ang mga tikin ay siyang mga kura na nagsasabi kung saan dapat patungo ang bapor ng pamahalaan. (Dapat mabatid kung ano ang tikin.)

2. Bakit inis na inis si Donya Victorina?

Tugon

Iniwasan siya ng mga lalaki sa itaas ng kubyerta.

3. Anu-ano ang ibubuti ng malalim na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at look ng Maynila ayon kay Simoun?

Tugon

a. Makapagtitipid ng lupa. Ang liku-likong Ilog Pasig ay mahalinhan ng tuwid na kanal.
b. Iikli ang paglalakbay; uunlad ang negosyo.
k. Maiiwasan ang mga putik at burak sa mga pampangin ng Ilog Pasig.
d. Giginhawa ang paglalakbay.

4. Anu ano ang tutol dito ni Don Custudio?

Tugon

a. Malaki ang gugulin
b. Maraming bayan ang kakailanganing sirain
k. Walang ibabayad sa mga manggagawa

5. Anu-ano ang tugon ni Simoun dito?

Tugon

a. Kung maraming bayan ang kailangang mawasak, sirain ito.
b. Kung walang ibabayad sa gagawa, gumamit ng mga bilanggo.
k. Kungdi sapat ang mga bilanggo pagawain ng walang bayad ang taong-bayan na magdadala ng sariling pagkain at kasangkapan. Sa ganito raw paraan natayo ang piramide sa Ehito at koliseo Sa Roma na hinahangaan ngayon kaugnay ng pangalan ng mga paraon at mga pinuno ng Roma gayong limot na natin ang libu-libong nagamatay na mangagawa roon. Ang mga patay ay patay na ang tanging malakas ang binibigyang katwiran at panahon;
d. At di raw maghihimagsik ang bayan tulad ng mga Ehipsio.

6. Dahil sa mga panukala ni Simoun at kanyang tandisang patutsada kay P. Sibyla at Don Custodio, ano ang naging palagay sa kanya ng nasa itaas ng kubyerta?

Tugon

a. Siya ay isang mulatong (mestisong) Amerikano.
b. Mestisong taga-India at Ingles naman daw.

7. Bakit nangigilag ang mga prayle at sina Don Custodio kay Simoun?

Tugon

Ito’y kaibigan ng Kapitan Heneral, doon pa sa Habana, Kuba.

Dagdag na mga Tanong at Puna

1. Mararahas ang mga balak ni Simoun. Lahat ay makakapagpahirap sa mga mamamayan.

2. Si Don Custodio ang ipinalalagay na pinakamatalinong tagapayo ng mga puno sa Pilipinas.

3. Si Padre Sibyla ay pangalawang rektor ng UST.


Your recently saved topics:


 

Random Quotation

 

News

Testimonials

 
 
 


Copyright 2004© Jose Rizal University
Disclaimer

For inquiries, send e-mail to rizalweb@jru.edu